Sunday, April 26, 2009

Ang Usapin ng Sapin-Paa at ang Ka-OA-han ng aking mga Kapatid

Babala:
Ang susunod na entry ay isang nagkabuholbuhol na ranting at, therefore, atin-atin lamang... sooo, shhhh!!!


So, Eto Na:

Marami ding nangyaring kataka-taka, kabigha-bighani, at kasuklam-suklam ngayong araw na ito. At syempre, nanaig ang suklam at ang napaka-nakaka-inis na pangyayari kaninang dapit hapon....

Sa pagkainip, tumayo ako bigla sa kinauupuan ko habang sakay ang isang barkong patungo sa isang destinasyong di ko naman alam, ni di ko binibigyan ng pansin --- in short, i don't really care at this point. Nabatid ko ang aking mga kapatid na nasa kabilang banda ng barko at napagdesisyunang makihalubilo muna sa kanila. Sa paglalakad ko, napahaba ang aking mga hakbang upang mapabilis ko ang aking paglapit nang namalayan ko ang init ng tanghaling-araw, piercing my skin like a thousand icy needles (syempre exagg 'to pero gets mo naman ang tayutay na pagmamalabis na may halong pagtutulad diba? haha), na naghalo sa maalat na atmospera dulot ng hanging humahaplos sa dagat. At dahil umaapaw ang aking eagerness sa paglalakad, ako ay nadulas, nagwala ang aking sapin-paa at tumilapon ito sa ere, all the way overboard, at eventually kinain ng kumikislap na dagat... ilang segundo ng pagkawala sa tubig, lumutang ito paibabaw, sumasabay sa baba at urong ng tubig na tila bang nang-aakit na sundin at kunin.

Overcome by extreme sadness with a tinge of fear for my loyal slipper, napatingin ako sa kapares niya na nakakapit pa sa aking kaliwang paa. Yumuko ako, tinanggal at hinawakan sa dalawang kamay ang nag-iisang pares... huling tingin, huling pagmamasid, at itinapon ko ito sa dagat para sumama sa pumalaot na niyang kapares. Well, yun na yun eh. Wala na akong magagawa. Eh kesa naman maglakad-lakad ako suot-suot isang tsinelas lang diba... magmumukha naman akong ewan. Nagising sa pagmumuni-muni, napatingin ako sa kung saan huli kong napansin ang aking mga kapatid. And wooow naman, nakatitig sila sa akin na parang may intensyong tunawin ako gamit ang kanilang mga mata.

Nagtitigan kami.

Ilang sandali lamang at yumanig ang sanlibutan sa lakas ng kanilang tawa. And apparently, they're laughing at me. Parang nabaliw si Kuya Paciano sa kakatawa habang hawak-hawak niya ang balikat ni Ate Narcisa na pilit namang pinipigilan (at umeffort pa si Ate, di naman kinaya) ang sariling halakhak. Hindi naman nagpatalo sina Ate Lucia at Ate Maria sa palakasan ng tawa. Sinabayan pa ng talon, sabay turo sa aking hubad na paa, sabay kapit sa isa't isa. Moral and Humor Support kumbaga. Si Ate Olympia naman at Si Ate Saturnina, nagtitilian sa isang sulok habang pinapatahimik ang mga tila nababaliw na anak nina Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandra II at Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos.

Pepe, Baliw!

With all due respect Kuya and Ate's, I still own my sanity and it seems that it is you lot who are on the verge of forgetting theirs. What i just did, is not at all funny. Not at all. It isn't even on the same page as funny. Pilit ko mang sabihin, di pa rin nila ako pinakikinggan. Ouch.

May nakakatawa ba sa ginawa ko? Kailangan ko ba ng siyensya o mahika negra upang maipaliwanag ang lahat ng ito sa kanila? Pilit ko mang idikdik sa kanilang mga kaisipan ang rasyonal na dahilan sa aking ginawa, binibuhusan lamang nila ako ng tawa at sabay sabing hindi makatarungan ang ginawa ko. Nalulusaw na ang aking utak sa kaka-isip ng mga masasamang imahe ng talunan, saksakan, suntukan, at patayan ng mga magkakapatid na Rizal. Gusto ko silang sigawan at tirisin ang kanilang mga mukha upang idiin sa kanila na hindi kabaliwan ang ginawa kong iyon. Pero ano nga bang magagawa ng pagdarahas? Ang dahas mismo ay ang kabaliwang pumapaikot sa nahuhulog na dangal ng katauhan. Marahas ang pinipintas sa akin.. bagkus, hindi dahas ang dapat gamitin.

At bakit? Nawalan na ba sila ng sapin-paa sa barko at alam nila kung ano ang dapat maging reaksyon upang hindi pagtawanan ng mga madlang di-kilala? Hindi nila alam ang dinamikong pagtutunggali ng emosyon sa mga pangyayaring iyon: ang paghalu-halo ng kawalan sa nasawi kong tsinelas at ang tamis ng pag-asang may makakapulot nito at maari nila itong gamitin, mabigyan man ng sapin ang kanilang mga hubad na mga paa. Kapag may nakapulot ng kanang pares ng tsinelas ko na tumilapon, hindi naman niya magagamit yun kapag wala yung kaliwa. Kesa nga naman maglakad-lakad iyong nakapulot suot-suot ang isang kanang tsinelas lang,.. magmumukha naman siyang ewan... at baka, sakaling pagtatawanan pa xa ng mga ka-baryo niya, o di kaya ng sarili niyang mga kapatid. Kaya, ibinigay ko nalang ang kaliwang pares ng tsinelas ko. Ayoko kasing pinagtatawanan.

Kabaliwan ba ito? Ako na nga ang itong nagbigay at nawalan ng sapin sa paa, ako pa ang masama? (ang drama nga naman ng buhay ko)

Tssss....

Kaya, heto, pa-blog-blog nalang muna. Napagdesisyunan ko na sa kabila ng lahat, tama pa rin ang ginawa ko kanina. Hindi ko man inaasahan ang naging reaksyon ng aking mga kapatid, palihim ko munang itatago ang aking mga dahilan. Saka ko ipagtatapat ang lahat kapag nasa wastong pag-iisip na sila (hahaha). Ewan ko, basta hindi ito makakasira sa ugnayan ng kapatid sa kapatid. Malalaman din nila ang dahilan balang araw.

Darating at darating din tayo sa katotohanan.


Enough of the rant.


Sa mga tala at sa buwan,
Mahal niyo ko,

XOXO,
Jose Protasio

No comments:

Post a Comment