Isinulat ni Maggie Dimaano.
Hayun. Matapos ko maisipan ng pamagat ang aking isinusulat na nobela, ako ay nagpahinga ng kaunting sandali. Naisipan kong manood ng telebisiyon upang makapag-relax.
ON.
Binuksan ang telebisiyon.
"Kailangan ko na ngayon ng mga karakter. Kailangan yung patok na patok. Kailangan hindi kaumay-umay. Kailangan mapapa-ibig ko ang aking mga mambabasa," aking naisip habang nanonood.
Lipat ng istasiyon.
Channel 3...
Sa kanonood ko ng mga telenobela sa hapon at sa gabi, naisip ko na kailangan ay kamangha-mangha ang aking mga pangunahing tauhan sa nobela!
Pangalan, pangalan, pangalan... Cris... Crisostomo Ibarra. Hmmm, maaari. At ang babae? Maria Clara. Ayan, bagay na bagay.
Pero dapat may twist! Hindi kaakit akit! Paano kaya kung maging anak ng pari si Maria Clara? Paano kaya kung may karibal si Crisostomo Ibarra? Aha! Oo, tamang-tama! Nakakatuwa! At ang pangalan? Linares! Ayan! Halos kumpleto na!
Pero, problema... anong klaseng mga tao sila?
Lipat ng istasiyon.
Channel 2...
Hayun! Ang love team ni Bea Alonzo at John Lloyd Cruz sa "Betty La Fea!" Pero hindi magiging kaakit-akit! Hindi kaibig-ibig kung kasing pangit ni Betty (Bea Alonzo) ang aking leading lady! Lalo na sa mga pari! O, Santisima! Baka hindi pa maaprubahan ang nobela ko! Isa pa! Baka akalaing pedophile si Crisostomo Ibarra kung iuugnay ko kay John Lloyd! Hindi ba? Ilang taon lang ba si Bea Alonzo para maging katambal si John Lloyd! Hindi katanggap-tanggap!
Erase, erase, erase!
Lipat ng istasiyon.
Channel 7...
Dyesebel. Wala nang sasabihin pa. (No comment).
"Oo, hindi ako tanga, Kapamilya 'to," sabi ko sa aking sarili.
Lipat ng istasiyon.
Channel 2...
Ang tambalan sa "Tayong Dalawa" na sina Dave (Jake Cuenca), Audrey (Kim Chiu), at si JR (Gerald Anderson). Puwede kaya? Nako! Hindi pala! Hindi naman puwedeng maging magkapatid si Crisostomo Ibarra at si Linares! Hindi rin puwedeng maging tawagan nila ay "bok" o "mista," nako. Lubhang napaka-baduy. Yak. At isa pa, si Maria Clara! Hindi maaring maging malandi na tulad ni Audrey, na pati magkapatid ay ginagawang nobyo! Nako. Mali, mali! Hindi ito maaari!
Lipat ng istasiyon.
Channel 3...
ZZZ... ZZZ... ZZZ...
Ano ba namang telebisyon 'to. Walang ibang channel!
Lipat ng istasiyon.
Channel 2...
Pangako Sa'yo. Ayun! Eto, tamang tama! Saktong sakto! Ang tambalang Ina (Kristine Hermosa) at Angelo (Jericho Rosales)! Mabubuhay si Crisostomo Ibarra sa karakter ni Angelo! Isang matipuno, mayaman, at makisig na personalidad. Katulad ko - es muy simpatico! At si Maria Clara naman sa katauhan ni Ina. Isang mayumi, walang kasing ganda at higat sa lahat, isang tunay na dalagang Pilipina! Sakto na! Pero paano si Linares? Hmmm... Aha! Ayun! Si Errol (Onemig Bondoc) na karibal ni Angelo! Isang mayaman na hindi binibigyang pansin ng natatanging dilag. Ayan! Perpekto na!
OFF.
Pinatay ang telebisiyon.
Makatulog nga.
Friday, May 8, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment